Pawalan (Eagle News) — Pag-asa at pagbabago ang inihandog ng Pamahalaang Panlalawigan sa ginanap na Local & Overseas Job Fair 2016 noong nakaraang linggo sa Victoriano J. Rodriguez Hall ng gusaling Kapitolyo.
Ang job fair ay pinangunahan ng Provincial Public Employment Services Office (PESO) sa pamumuno ni G. Armando D. Batul, OIC-Provincial PESO sa pakikipagtulungan ng DOLE-Palawan sa pamumuno ni G. Peter James D. Cortazar, OIC-DOLE Palawan Field Officer at ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) sa pamamagitan ni Gng. Tita Hernandez, POEA Representative.
Batay sa talaan ng Provincial PESO, umabot sa 573 ang kabuuang bilang ng mga aplikante na dumalo sa Job Fair. Napag-alaman na tatlo sa mga aplikante ang mapalad na nabigyan ng trabaho “on the spot” sa Job Fair.
Limang overseas manpower agencies na rehistrado sa POEA at 24 lokal na ahensiya at mga kompanya ang nakiisa sa Job Fair na ang hangarin ay magbigay ng panibagong pag-asa sa mga Palaweño na walang trabaho.
Ang aktibidad ay dinaluhan ni Bise Gob. Dennis M. Socrates, kung saan kanyang hinikayat ang mg aplikante na magsumikap at magtiyaga sa paghahanap ng trabaho upang maitaguyod ang kani-kanilang pamilya at huwag sayangin ang oportunidad na ipinagkaloob Pamahalang Panlalawigan. Si Bise Gob. Socrates, din ang pormal na nagbukas ng pasisimula ng Job Fair 2016 para sa mga Palaweñong dumalo sa nasabing gawain.
Samantala, nagkaroon din ng turn-over ceremony para sa JobSearch Kiosk Machine na ipinagkaloob ng Dole-Palawan sa pamamagitan ni G. Peter James D. Cortazar, OIC-DOLE Palawan Field Officer. Ang machine ay malugod na tinaggap ni G. Armando D. Batul, OIC-Provincial PESO. Malaki aniya ang maitutulong ng Kiosk Machine upang mas mapadali at mapabilis ang paghahanap ng trabaho ng mga kliyente ng kanilang tanggapan. Ang naturang Machine ay ialalagay sa loob ng tanggapan ng PESO upang masiguro na maiingatan ang paggamit nito.
Ang Job Fair 2016 ay bahagi ng pagdiriwang ng ika-114th anibersaryo ng gobyerno sibil ng Lalawigan ng Palawan.
Courtesy: Joel Marquez – Palawan Correspondent