Ni Paolo Macahilas
Eagle News Service
MAYNILA, Philippines – Nasabat ng mga otoridad ang P1.1 milyong halaga ng hinihinalang shabu sa isinagawang buy-bust operation sa isang establisimyento sa Maynila nitong Martes ng gabi, ika-3 ng Abril.
Arestado ang dalawang lalaki at isang babae na kinilala pa lamang sa kanilang mga alyas sa isinagawang operasyon ng Manila Police District Drug Enforcement Unit, Philippine Drug Enforcement Agency-National Capital Region at MPD Station 3 sa Binondo.
Ayon kay Police Supt. Rogelio Ramos, Jr. ng MPD DDEU, nasa kustodiya din nila ang 16 anyos na dalagita na humawak sa bag na naglalaman ng hinihinalang ilegal na droga, at na inabot ng isa sa mga suspek sa poseur-buyer.
Narekober sa mga suspek ang 200 na gramo ng hinihinalang shabu, ang P150,000 marked money, at ilang mga cellphone.
Depensa ng isa sa mga suspek, inutusan lamang siya na iabot ang bag.
Umamin naman ang isa pang suspek na dati na siyang gumagamit ng droga at dati nang sumuko sa Oplan Tokhang.
Ayon sa PDEA, dalawa sa mga suspek ay mga high-value target.