P2P bus service, mas mabilis at mas ligtas na paraan ng transportasyon

Ni Aily Milyo
Eagle News Service

(Eagle News) — Muling naglunsad ang Department of Transportation (DOTr) at Land Transportation Franchising Regulatory Board o LTFRB ng Point to Point o P2P Bus Service.

Ang bagong  P2P bus service point ay may ruta mula Robinson’s Novaliches patungong Park Square Makati.

Ito na ang pang-limang ruta ng P2P bus.

Ang iba pang ruta ng P2P bus service ay sa North Edsa to Makati, dalawa sa Ortigas to Makati at North Edsa to Ortigas.

Malaki ang kaibahan ng P2P bus sa regular na mga pampasaherong bus.

— Mas maikling byahe sa P2P bus service, tiniyak–

Sa P2P bus mas mapapaikli ang oras ng byahe ng isang commuter.

Hindi na kasi ito hihinto para magsakay o magbaba ng pasahero sa kung saan-saang lugar kundi dire-diretso lang ang byahe hanggang makarating sa destinasyon.

May kani-kaniya ring naka-schedule na oras ang byahe ng bawat P2P bus kung kaya hindi na kinakailangan pang maghintay na mapuno ng pasahero ang bus bago bumyahe.

Sa Robinson’s Novaliches, alas singko y medya (5:30 am) hanggang ala otso y medya (8:30 p.m.) ng gabi ang byahe ng P2P bus patungong Makati.

At mula Makati patungong  Robinson’s Novaliches, ang byahe nito ay magsisimula ng ala siyete y medya ng umaga (7:30 am) hanggang alas onse ng gabi (11 pm)

–P2P bus service, mas mabilis, ligtas at maginhawa ang byahe – DOTr–

Ayon kay LTFRB Chairman Martin Delgra, mas mabilis , mas ligtas at mas maginhawa ang byahe ng mga commuter sa P2P bus.

Fully air conditioned ang P2P bus at may tatlong CCTV cameras.

Mayroon ding upuan para sa mga matatanda at may kapansanan at mayroon ding wheel chair ramp.

At kapag naipit halimbawa sa traffic ay mayroong maaaring paglibangan dahil mayroong dalawang TV at  libreng wifi sa P2P bus.

Nasa P120 ang pamasahe sa P2P bus.

–Mga may-ari ng pribadong sasakyan, hinikayat na gumamit ng P2P bus service–

Target ng DOTr at LTFRB na mahikayat ang mga private car user na gumamit na rin ng P2P bus service.

Mas malaki anila ang matitipid ng mga ito sa pagsakay ng P2P bus at makatutulong din para maibsan ang matinding trapiko sa Metro Manila.

Plano rin ng dalawang ahensya  na magkaroon ng P2P bus service sa mga karatig lalawigan sa Metro Manila.

 

Related Post

This website uses cookies.