(Eagle News) — Nasa 490 million pesos ang nakatakdang i-release ng Department of Budget and Management (DBM) sa Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa rehabilitasyon ng circumferential road sa isla ng Boracay.
Ayon kay Budget Secretary Benjamin Diokno, ang nasabing pondo ay nakatakdang ibigay sa DPWH sa susunod na linggo.
“I am pleased to announce that DBM will release 490 million pesos to DPWH for the rehab of the whole boracay’s circum road in Aklan during the 6-month closure,” pahayag ng kalihim.
Una nang inirelease ng DBM ang 50 million pesos para sa nasabing konstruksyon, bahagi ng 2018 budget para mapaganda at mapabilis ang konstruksyon ng 5.2-kilometer Boracay Circumferential Road sa loob ng anim na buwang closure.
Nakapaloob ang nasabing pondo para maayos ang drainage at sewerage system sa main road ng isla para mapigilan ang mga pagbaha.
Ang nasabing proyekto ay hinati sa tatlong bahagi, ang first phase ay magsisimula sa Cagban Port hanggang Rotonda na may 1.4 kilometers, ang phase 2 ay ang 1.9 kilometers mula sa Rotonda hanggang Barangay Balabag at ang Phase Three ay ang 1.9 kilometers mula sa Barangay Balabag hanggang Barangay Yapak.
Nitong Abril 27, ini-release na ng DBM ang nasa P448 million sa Department of Labor and Employment (DOLE) para i-cover ang financial assistance sa halos P18,000 residente at manggagawa na naapektuhan ng closure.
Ang nasabing pond ay mula sa 2018 contingent fund na nagkakahalaga ng P13 billion sa ilalim ng National Budget.
Boracay rehab, ‘di na kailangan ang supplemental budget – DBM Chief
Hindi na rin aniya kailangan pa ang supplemental budget sa gagawing anim na buwang rehabilitasyon dahil sapat na rin aniya ang pondo ng gobyerno para tustusan ang paglilinis at maging ang financial assistance sa mga apektadong residente.
“We can finance it through the 2018 national budget; we don’t need a supplemental budget, we can source it through the calamity fund or contingent fund,” pahayag ni Diokno.
Sa ilalim ng General Appropriations Act of 2018, 19 bilyon pesos ang inilaang pondo sa National Calamity Fund, 10 billion pesos rito ang inilaan na sa rehabilitasyon ng Marawi City.
Sa ilalim rin ng 2018 national budget, inilaan ang P13 billion para maging contingent fund, na maaaring gamitin sa mga bago at urgent na proyekto at aktibidad ng gobyerno.
Bukod sa national calamity at contingent funds, inihayag ni Diokno na maaari ring gamitin ng local government units (LGUs) ang kanilang calamity funds kapag isinailalim sa state of calamity ang kanilang mga lugar.
Maging ang Departments of Environment and Natural Resources, Labor And Employment, Tourism, Public Works, at Social Welfare ay may kaniya-kaniya ring appropriations na magagamit sa anim na buwang rehabilitasyon ng Boracay. Sophia Okut