P57M na karagdagang pondo para sa formal sector workers sa Boracay, kinakailangan

(Eagle News) — Nangangailangan ng karagdagang budget ang Department of Labor and Employment DOLE Region 6 para ma-pondohan ang Boracay Emergency Employment Program (BEEP).

Ang nasabing programa ay naglalayong matulungan ang mga manggagawa sa formal sector na apektado ng closure ng Boracay Island.

Ayon kay Atty. Johnson Cañete, Regional Director ng DOLE region 6, nasa P57 milyon na karagdagang pondo ang kanilang kinakailangan para sa implementasyon ng emergency employment program na tatagal ng hanggang tatlong buwan.

Patuloy namang nagsasagawa ng profiling at registration sa mga apektadong empleyado ang DOLE Region 6 sa pamamagitan ng Inter-Agency Action Center na sinet up sa Boracay at sa Caticlan Port.