(Eagle News) — Kaya umano ng mga kumpanya, malaki man o maliit, na ibigay ang panukalang 750 pesos na nationwide minimum wage increase.
Ito’y bagamat sinabi ng Employers Confederation of the Philippines (ECOP) na imposible ang hirit na dagdag-sahod.
Ayon sa IBON Foundation, milyung-milyong piso ang kinikita kada taon ng mga kumpanya kung pagbabatayan ang pag-aaral ng Philippine Statistics Authority noong 2015 annual survey ng Philippine business and industry.
Lumabas sa naturang pag-aaral na mahigit 34,000 na business establishment na may mahigit 20 empleyado ang kumita ng higit isang trilyong piso.
Lalabas na umano na 28.3 percent lamang ang mababawas sa profit ng kumpanya kung tataasan sa 750 pesos ang umento sa sahod.
Hindi naman mababawasan ang inflation kung tataasan ang sahod ng mga manggagawa dahil hindi dapat taasan ang mga pangunahing bilihin at hindi rin kailangan na magtanggalan ng mga manggagawa.
Magagawa rin aniya ng mga small and medium enterprises na mapataas ang suweldo ng mga manggagawa pero sa pamamagitan ng agarang pagpapatupad ng cheap scientific and technological capabilities sa tulong ng pamahalaan upang mas mabilis na maibenta ang produkto at mabawi ang puhunan.
Magkagayunman, di pa rin daw sasapat ang naturang panukala na taas-sahod dahil na rin sa epekto umano ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion o TRAIN law.
Nanawagan naman ang grupong Courage na pagtuunan ng pansin ang pagpasa sa panukalang batas na taasan rin ang suweldo ng mga guro at iba pang kawani ng pamahalaan.
Maliban pa rito ang naunang bill na 750-peso nationwide minimum wage hike na nakahain na sa kamara.
Bukas, nakatakdang magpulong ang ibat ibang ahensya ng pamahalaan sa pangunguna ng DOLE o Department of Labor and Employment kung napapanahon na ba ang pagtataas ng sahod. Jerold Tagbo