Ni Irene Sino Cruz
Eagle News Service
CEBU CITY, Cebu (Eagle News) –Nasamsam ng mga pulis ang pinaniniwalaang shabu na nagkakahalagang Php9 milyon sa magkakahiwalay na operasyon sa Cebu.
Unang isinagawa ang operasyon hapon ng Miyerkules, Hunyo 13, sa Sitio Tabasca, Brgy. Basak, San Nicolas.
Dito nakumpiska ang isang medium-sized na plastic pack, dalawang large-sized na plastic pack at isang extra large na plastic pack na may laman na hinihinalang shabu na nagkahalagang Php3.5 milyon.
Inaresto ng mga miyembro ng Cebu Investigation at Drug Enforcement Unit si Catalino Oliveros Jr., alias Chat, 37.
Nakuha sa suspek ang Php6,000 na buy-bust money at limang Php1,000 bill na pinaniwalaang kita sa pagtitinda ng shabu.
Ilang oras ang nakalipas, naglunsad naman ng operasyon kontra druga ang Cebu City Police Office sa Carreta Cemetery sa may kanto ng Gen. Maxilom at M. J. Cuenco Avenue.
Nakumpiska ng otoridad sa operasyon ang shabu na nagkakahalagang Php5.6 milyon.
Naaresto sa nasabing operasyon si Joel Villaraza Castro, 44, tagagawa ng lapida.
Nakumpiska sa kaniya ang 19 medium-sized packs ng shabu na may timbang na 475 gramos.
Nahaharap ang dalawang suspek sa reklamong paglabag ng Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act.