Suportado ng Philippine National Police ang panukala ni incoming President Rodrigo Duterte na wakasan ang Bata Bata System o paggamit ng koneksyon sa mga pulitiko para makuha ang inaasam na posisyon o promosyon sa PNP.
Ayon kay PNP Spokesperson Pol.Chief Supt.Wilben Mayor, bagaman matagal nang hindi umiiral sa kanila ang ganitong klase ng sistema malaking bagay na muli itong binigyang diin ni Duterte.
Sa ngayon aniya, ang kuwalipikasyon naman talaga ng isang opisyal ang basehan ng PNP sa pagbibigay ng posisyon at hindi ang endorsement ng sinomang pulitiko.
Giit ni Mayor, mayroon silang Senior Officer Placement and Promotions Board o SOPPB na tumitingin sa kwalipikasyon ng mga pulis na nag aaply sa isang partikular na posisyon.
Gaya na lang halimbawa sa paglalagay ng Chief of Police sa isang lungsod o munisipyo kung saan ang SOPPB ang gumagawa ng shortlist ng mga kwalipikadong opisyal.
Sa naturang shortlist lang maaaring mamili ang alkalde ng kanyang magiging chief of police at hindi kung sino lang ang gusto nyang ilagay sa pwesto.
Naniniwala ang PNP na posisyon ng susunod na pangulo sa nasabing usapin ay magsisilbing babala sa mga opisyal na nagpaplano o nag iisip na maghanap ng padrino para makuha ang inaasam na posisyon.