QUEZON CITY, Philippines (Eagle News) — Pinagpaplanuhan ang pagdedeploy ng karagdagang traffic enforcers na magbabantay tuwing gabi hanggang madaling araw sa mga pangunahing kalsada sa Quezon City.
Ito’y matapos lumabas sa datos ng Metropolitan Manila Development Authority
(MMDA), na nagaganap ang mga malubhang aksidente simula alas-onse ng gabi hanggang ala-una ng madaling araw kung kailan wala nang mga traffic enforcer.
Dahil dito, iginiit ni Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG) Police Community Relations Chief Glenda Lim, na dapat ikunsidera ng Inter-Agency for Council for Traffic (i-ACT) maging ng local government ng Quezon City ang pagdedeploy ng mga enforcer kahit gabi hanggang madaling araw.
Bukod sa EDSA at Commonwealth Avenue, madalas ding naitatala ang mga aksidente sa quirino highway, Katipunan Avenue, Quezon Avenue, Aurora Boulevard, Andres Bonifacio Avenue at E. Rodriguez Senior Avenue.