Pag-isyu ng arrest warrant vs US Marine Pfc. Pemberton, dapat abangan – Atty. Roque


Dapat abangan ang inaasahang pag-isyu ng arrest warrant kay US marine private first class Joseph Scott Pemberton ayon kay Atty. Harry Roque, abogado ng pamilya Laude.

Kasunod ito ng pagsampa ng kasong murder ng Olongapo prosecutor’s office kay Pemberton kaugnay ng pagpaslang kay Jeffrey Laude noong Oktubre a-onse.

Hamon ni Roque kay AFP Chief of Staff Gen. Gregorio Catapang… Ilabas nito ang arrest warrant.

Obligasyon aniya ni Catapang na arestuhin si Pemberton at hayaan ang hukumang magdesisyon kung saan ito dapat makulong.

Ayaw raw niyang maulit ang nangyari sa Nicole rape case na dapat sana’y hukuman ang nasunod sa usapin ng kustodiya ng akusado.

Kasalukuyang nasa pasilidad ng joint US Military Assistance Group sa Camp Aguinaldo si Pemberton kung saan unang hinarang sina Roque at pamilya Laude na nagtangkang makita ang Amerikanong sundalo.