MANILA, Philippines (Eagle News) — Minamadali na ng Commission on Higher Education (CHEd) ang pagproseso sa scholarship allowance nito.
Kasabay nito ay humingi rin ng paumanhin ang CHEd sa pagkaka-antala sa pagbibigay ng nasabing allowance sa mga faculty na apektado ng K to 12 program.
Ayon sa CHEd, ang naging sanhi ng delay sa pagbibigay ng allowance sa mga scholar ay ang pagproseso sa mga dokumento.
Ang internal system din aniya ng CHEd ay hindi kayang makatanggap ng large scale ng scholarship administration.
Dagdag pa ng CHEd, 48 porsyento sa mga naisumiteng dokumento ay incomplete.
Para matugunan ito, plano ng CHEd na kumuha ng karagdagang manpower at gawin ang kalidad na pagsusuri para masiguro na maaga pa lang ay makikita na ang mga discrepancy sa mga dokumento.
Mas paiigitingin din ng CHEd ang pakikipag-ugnayan sa mga regional office nito para mapabilis ang koleksyon at evaluation sa mga documentary requirement.
Sa Disyembre 29, inaasahang matatangap ng 2,152 scholars’ ang kanilang living allowances.
Habang sa Enero 5 ng susunod na taon naman matatanggap ng 1,011 scholars ang kanilang allowance basta kinakailangan maisumite ang mga kulang sa kanilang dokumento.