Daet, Camarines Norte (Eagle News) – Sinimulan na ang pagbabantay o monitoring ng tanggapan ng Department of Trade and Industry (DTI) sa Camarines Norte kaugnay sa presyo ng mga kagamitan sa eskwela sa mga pangunahing pamilihang bayan.
Nagsimula ang pagmomonitor sa bayan ng Daet sa mga tindahan at establisyemento na mayroong school supplies. Magpapalabas rin ng talaan ng presyo ng school supplies sa pamamagitan ng Suggested Retail Price (SRP) kung saan nakalagay dito ang “Gabay sa Presyo ng School Suplies” na ipatutupad ng naturang tanggapan.
Makikita sa SRP ang halaga ng iba’t ibang mga kagamitan na kailangan bilihin sa mababa at tamang presyo ganundin ang mga brand ng bawat produkto at bilang ng mga pahina ng papel katulad ng notebook.
Ayon kay Garry Rafanan, Public Information Officer ng DTI, ang isinasagawang monitoring sa bawat establisyemento o tindahan ay upang makita ang mga presyo kung ito ay sumusunod sa SRP na ipinalabas ng DTI. Aniya, ang gabay sa presyo ng school supplies ay paraan upang malaman ng bawat mamimili ang maaari nilang bilhin ganundin ang mga presyo nito na ipinatutupad ng DTI.
Dagdag pa niya na malaking tulong ito sa mga magulang lalo na at magsisimula na ang pagbubukas ng klase sa buwan ng Hunyo ngayong taon. Paalala pa rin ni Rafanan na sakaling mayroong mga paglabag sa presyo ng mga school supplies ay magsadya sa Consumer Protection Division ng kanilang tanggapan.
Ang mga negosyante umanong mananamantala sa presyo ng mga school supplies ngayon ay mahaharap sa kasong administrative fine na P20,000.00 hanggang P1,000,000.00 at posible pang makulong ng lima hanggang labing limang taon alinsunod sa Price Act.
Ang babalang ito ay batay na rin sa DTI Department Administrative Order No. 06, series of 2007 laban sa mga retailers na mapapatunayang hindi sumusunod sa suggested retail price.
Kung mayroong mga katanungan o reklamo sa kalidad ng mga kagamitan ay maaaring tumawag sa kanilang telepono bilang. 440-1338 at 440-1339. (Eagle News/Edwin Datan, Jr.)