Pagbebenta ng soft drinks at junk foods sa mga school canteen, bawal na sa QC

(Eagle News) — Ipinagbabawal na ng Quezon City Health Department sa mga school canteen ang pagbebenta ng soft drinks, sitsirya, instant noodles, cakes, donuts at iba pang kauri nito.

Ayon sa QC Health Department, ito ay bilang pagsunod sa Quezon City Anti-Junk Food and Sugary Drinks Ordinance of 2017.

Nakasaad sa nasabing batas na lahat ng mga school canteen sa pribado at pampublikong paaralan sa elementarya at sekondarya maging ang preparatory schools at mga tindahan na nasa isangdaang metro mula sa school premises ay dapat na masusustansyang pagkain lamang ang ibenta.

Paliwanag ni City Health Department Chief Dr. Verdades P. Linga, dumarami na ang datos na nagsasabing ang diabetes at hypertension ay nagsisimula na sa murang edad.

Kung hindi aniya ito gagawan ng aksyon ay magkakaroon ang siyudad ng mga taong maagang magkakasakit at hindi magiging produktibo.