MANILA, Philippines (Eagle News) — Bukas ang Malacañang sa posibilidad ng pagbili ng mga helicopter sa iba, kasunod ng ipinag-utos ng Canadian Government na pagrepaso ng 233-million US dollars agreement sa harap ng pangamba na gagamitin ang mga ito laban sa mga rebelde.
“We purchase helicopters. If they don’t want to sell, well, we may consider the prospect of procuring them from other sources,” pahayag ni Presidential Spokesperson Harry Roque.
‘Di na binanggit ni Presidential Sec. Harry Roque kung saang bansa o entity ang maaaring mag-supply ng mga helicopter.
Gayunman, nilinaw rin ni Roque na hindi gagamitin ang mga nasabing helicopter sa pag-atake sa mga komunistang rebelde kundi gagamitin para sa paghahatid nga mga sugatang sundalo o mga labi.
Bukod rito gagamitin din ang mga ito para magbiyahe ng mga supply at tauhan at iba pang humanitarian assistance at disaster response.
Ang mga BELL 412-EPI helicopter ay nakatakda sanang i-deliver sa susunod na taon.