By Mar Gabriel
Eagle News Service
Tuloy tuloy ang pagdagsa ng mga kaanib sa Iglesia ni Cristo at kanilang mga panauhin dito sa Luneta Park para sa isinasagawang lingap laban sa kahirapan ng INC.
Sa huling crowd estimate ng Manila Police District, aabot na sa 25000 ang nandito ngayon sa bisinidad ng Luneta at Quirino Grandstand.
Magkatuwang ang mga tauhan ng MPD at Scan International sa pagbibigay seguridad dito sa isinasagawang aktibidad.
Bagaman pabugso bugso ang buhos ng ulan, patuloy din ang mga SCAN sa magmamando ng traffic at pagbabantay dito sa venue.
Ang mga tauhan ng MPD agad na pumoste sa kani kanilang pwesto pagkatapos ng isinagawang security briefing sa kanilang advance command post dito sa gilid ng Grandstand.
Ayon kay MPD deputy director for administration Senior Supt. Mar Pedroso na siya rin tumatayong overall ground commander, aabot sa mahigit 500 pulis ang idineploy nila dito sa aktibidad.
Kasama na rito ang mga pulis na itinalaga para umalalay sa mga motorista.
Bukod sa mga unipormadong pulis, nagdeploy din sila ng mga civilian personnel para magmatyag sa seguridad.
Ayon kay Pedroso, partikular nila pinaghahandaan ang pagdagsa mamaya ng mga makikipagkaisa sa aktibidad.
Sa taya ng MPD, posible raw na umabot sa higit 200,000 ang mga dadalo.
Bagaman wala naman daw banta sa seguridad pinapayuhan din ng MPD ang mga dadalo na gumamit nalang ng mga transparent bag o plastic bag.
Gayunman, tiwala naman ang MPD na matatapos ng matiwasay ang aktibidad gaya ng mga nauna nang malalaking aktibidad ng INC.
Kilala rin daw na disiplinado ang mga miyembro ng INC kaya hindi nila nagiging problema ang kaguluhan sa ganitong aktibidad.