MANILA, Philippines (Eagle News) — Umani ng suporta sa mga senador ang plano ni Pangulong Rodrigo Duterte na ideklara bilang terorista ang Communist Party of the Philippines at ang armed wing nito na New People’s Army.
Ayon kay Senador Panfilo “Ping” Lacson, matagal nang nawala ang ideolohiya ng CPP-NPA at ang tanging ginagawa na lamang ng grupo ay ang maghasik ng takot sa mga tao sa pamamagitan ng pagpatay, extortion, pagsusunog at pagsira ng mga ari-arian ng gobyerno at mga pribadong indibidwal.
Kinilala ni Lacson ang katapangan ng Pangulo sa paglaban sa mga rebelde at naniniwala ang senador na ibibigay ng militar ang kanilang buong suporta para tuldukan na ang matinding problema sa insurgency.
Sabi rin ni Senador Gringo Honasan, prerogative ng Pangulo ang deklarasyon batay sa mga nakuha nitong intelligence information.
Iginiit naman ni Senate Majority Leader Vicente Sotto na sapat na ang mga batayan ng Pangulo dahil mismong ang mga korte sa Mindanao ay idineklara na ang CPP-NPA bilang mga terorista.
Lahat ng pagkakataon
Iginiit ng sandatahang lakas na ibinigay na ng AFP ang lahat ng pagkakataon sa CPP-NPA para ipakita ang kanilang sinseridad sa pakikipag-usap sa gobyerno
Katunayan, nagbigay-daan aniya ang AFP para sa usapang pangkapayapaan at pinalaya ang mga nakakulong na lider at miyembro ng rebeldeng grupo pero lumabag sila sa mga inilatag na kundisyon ng gobyerno.
Isa sa tinukoy ni AFP spokesperson Brig. Gen. Restituto ang paglabag ng rebeldeng grupo sa idineklarang unilateral ceasefire ng gobyerno noong Pebrero dahil sa umano’y kabiguan ng pamahalaan na palayain ang mahigit dalawandaang political prisoner ng NPA.
Duda naman si Trillanes sa naging pahayag ng Pangulo.
Aniya mananatili lang raw itong pagyayabang ng Pangulo hangga’t hindi sinisibak ang mga makakaliwang miyembro ng gabinete.
“Until that day that Duterte actually fires all the communists in his cabinet, I will assume that this recurring threat to declare the CPP-NPA-NDF as a terrorist organization is just lip service to appease and deceive the AFP,” pahayag ni Trillanes.
(Eagle News Service Meanne Corvera)