Paggamit ng binaligtad na mga salita, nauuso; KWF, may paalala

(Eagle News) — Lodi para sa salitang idol, petmalu para sa salitang malupit, werpa na ibig sabihin ay power at orb na ang ibig sabihin ay bro.

Ilan lamang yan sa mga binaligtad na salita na patok ngayon sa mga millennial at gamit na gamit sa social media.

Kaya minsan, may ilan ang mapapakamot ng ulo kung saan ba galing at sino ang nagpasimula ng mga salitang ito.

Para sa Komisyon sa Wikang Filipino (KWF), patunay lamang na buhay ang Wikang Filipino bunsod ng usong pagbabaligtad ng mga salita.

Noong unang panahon, uso na rin ang pagbabaligtad ng mga salita na layong ilihim sa isang grupo ang kanilang pakiki-pagtalastasan.

Dekada setenta (1960’s), pumatok na rin sa madla ang paggamit ng binaligtad na Tagalog dala ng hippy culture.

Upang mas makilala at maunawaan ng kabataan ang Wikang Filipino, isang exhibit ang isinagawa kung saan ipinakita ang iba’t-ibang yugto sa kasaysayan ng ating wika.

Tampok rin dito ang dalawampu’t limang huwarang tekstong Filipino na nakatulong sa pagpapaunlad ng wikang pambansa.

Ayon sa National Artist na si Virgilio Almario, nakahanda na ang Wikang Filipino sa panibagong antas ng diskurso.

Panawagan ng KWF na huwag lamang humangga sa paggamit ng usong baligtad na salita ang kabataan kundi tuklasin rin ang mga dayalekto at iba pang wika sa Pilipinas.

Ito’y lalo’t may mga salita sa ibang bahagi ng bansa na nanganganib ng mawala.

Mahalaga umanong matutunan at tuklasin ng kabataan ang iba pang wika sa bansa upang mapreserba ang kultura na isa sa mga sangkap ng pag-unlad.

(Eagle News Service, Jerold Tagbo)

Related Post

This website uses cookies.