ZAMBOANGA SIBUGAY (Eagle News) – Muling pinaiigting ng Department of Health (DOH) ang kampanya nito sa paggamit ng iodized salt. Ito ay may temang “Goiter Sugpuin, Isip Patalinuhin, Iodized Salt Gamitin”. Layunin nito na matugunan ang iodine deficiency ng mga Pilipino partikular ng mga batang nasa elementarya.
Ayon kay Chrystal Intal, resource speaker ng DOH, kailangang may sapat na iodine intake araw-araw. Ito aniya ay inirerekomenda nila hindi lamang sa mga tao kundi maging sa mga alagang hayop. Kailangan aniyang may sapat na iodine sa katawan upang maiwasan ang maraming kumplikasyon, tulad ng:
- Goiter
- Paghina ng IQ
- Mahina pag-develop ng katawan
Inirerekomenda ng DOH ang pagkain ng mga halamang dagat, isda, hipon, alimango, talaba, at iba pang lamandagat na mayaman sa iodine at ang paggamit ng iodized salt. Dagdag pa na nararapat bigyan ng ngipin ang implementasyon ng Asin Law. Ito ay upang maisulong ang pagkakaroon ng sapat na iodine sa mga hapag kainan ng bawat tahanan. Sa pamamagitan aniya nito ay mababantayan ng lokal na pamahalaan ang kalusugan ng mga mamamayan.
Ang kampanyang ito ng DOH ay naaayon sa pananatili ng ilang lugar sa Pilipinas sa kalagayang may mababang porsiyento ng kaalaman ng kahalagahan ng paggamit ng iodine at isa sa may pinakamababang porsiyento nito ang Zamboanga Peninsula.
Jen Alicante – EBC Correspondent, Zamboanga Sibugay