BONGAO, Tawi-tawi (Eagle News) – Doble kayod ngayon ang ilang rebeldeng grupo sa kanilang paghahanda sa isusumiteng Bangsamoro Basic Law (BBL) bago ang araw ng State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte sa darating na Hulyo 24.
Noong linggo ay binisita ni Moro Islamic Liberation Front Chief Peace Negotiator Mohagher Iqbal ang mga dating combatant ng Moro National Liberation Front (MNLF) sa isla ng Languyan, Tawi-tawi para kausapin ang mga ito kaugnay sa kahalagahan ng Bangsamoro na kanilang ipinaglalaban mahigit apat na dekada na ang nakalipas.
Tinawag na Gagandilan ang grupong MNLF na dati’y nakikipaglaban sa pamahalaan, subalit dahil sa usapang pangkapayapaan ay pumayag silang mamuhay na gaya ng mga ordinaryong sibilyan.
“Consistent namin nakausap ang Presidente, I think four times already, and he was so consistent. We met him on December 1 last year and then, we met him on May 29 in Davao City, ganun pa rin ang tema ng sinabi niya, what I have promise to you hold on to, it’s because I will hold on to that. So, as far as the statement of the President is concerned, there’s no reason to doubt that he really means business,” pahayag ni Iqbal.
Umaabot sa mahigit 900 MNLF combatants kabilang na ang halos 200 kababaihan ang nakinig sa pagsasalita ni Iqbal na may kaugnayan sa pagsumite ng BBL sa Malakaniyang bago ang SONA ng pangulo.
Nang tanungin kung may paraan kaya para magkasundo ang MILF at MNLF sa panahon ng Duterte administration, tumanggi nang magsalita ang mga dumalong MNLF Gagandilan, ngunit anila ay malaki ang kanilang tiwala nila na tutugunan ni Duterte ang kahilingan ng Bangsamoro para sa ikapapayapa ng Mindanao.