Paghingi ng sorry ni Sen. Sotto, ‘di raw sapat

(Eagle News) — Inireklamo na ng grupo ng mga kababaihan si Senate Majority Leader Vicente Sotto sa Senate Committee on Ethics.

Kaugnay ito ng umanoy pambabastos ni Sotto kay Department of Social Welfare and Development Secretary Judy Taguiwalo nang gumamit ito ng street language na “na ano ka lang” habang tinatanong ito sa pagdinig ng Commission on Appointments hinggil sa kanyang pagiging solo parent.

Sa limang pahinang reklamo ng Coalition Against Trafficking in Women, hiniling nila sa komite na patawan ng disciplinary action si Sotto kasama na ang pagpapatalsik sa kanya bilang Chairman ng Ethics Committee.

Hindi raw sapat ang paghingi nito ng sorry dahil sa pambabatos sa mga kababaihan.

Nais rin nilang mag inhibit si Sotto para hindi maimpluwensyahan ang imbestigasyon.

Bukod kay Sotto, gusto ng grupo na patawan ng parusa ang mga miyembro ng CA na tumawa pa sa street language ni Sotto sa halip na kastiguhin ito.

Si Senador Sotto, ayaw nang patulan ang mga complainant. Karapatan aniya ng mga ito na magsampa ng kaso.

Pero paalala ni Sotto may umiiral na freedom of speech at freedom of expression na ginagarantiyahan ng Saligang Batas.

Sakaling matanggap ang kopya ng reklamo agad daw syang magbibitiw bilang Chairman ng Ethics Committee at ipauubaya ang pagdinig sa mga reklamo sa Vice Chair na si Senador Panfilo Lacson.

(Eagle  News Service Meanne Corvera)

https://youtu.be/A4MZqxpmqRU