(Eagle News) — Nag-aalburuto ngayon ang mga vendor at maliliit na negosyante sa lungsod ng Makati dahil sa pagtalikod ng City Hall sa sektor ng maliliit na negosyo.
Kasabay nito, pinuna ng mga vendor ang tila pagiging “pusong-bato” ni Mayor Abigail Binay-Campos at ng mga patakarang “anti-small business” na umano’y banta sa kabuhayan ng mahigit 1,000 mga vendor at daan-daang micro-enterprises sa lungsod.
Ibinunyag ng mga kinatawan ng Makati Vendors Federation Inc. (MVFI) na pinapaalis na sila ng city hall sa kasalukuyan nilang kinatitirikan ng walang alok na paglilipatan o alternatibong kabuhayan.
Ayon kay Dolores Frando, nagtitinda mula sa Tejeros, tatanggalin sa kanila ang tangi nilang kinabubuhay, kung saan umaasa ang kanilang pamilya.
Sinabi naman Nic Armen Montinola, 78 taong gulang at nagtitinda mula sa Brgy. Poblacion na malaki ang kaibahan sa pagturing sa kanila ng kasalukuyang mayor sa pagkalinga sa kanila noon, aniya ginawa pa silang katuwang sa mga proyekto ng city hall kasama ang mga ahensya ng gobyerno at iba pang organisasyon.