QUEZON CITY, Philippines (Eagle News) — Wala umanong magiging epekto sa mga Filipino community sa iba’t ibang bansa ang pagkalas ng Pilipinas sa International Criminal Court (ICC).
Ito ang paniniwala ni Acts OFW Partylist Representative John Bertiz sa harap ng babala ng isang legal expert na may long term na epekto ang desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na mag-withdraw ng membership ang Pilipinas sa Rome statute para makaiwas umano sa imbestigasyon ng ICC.
Ayon kay Bertiz, may mga umiiral namang mga batas at kasunduan na magbibigay ng proteksyon sa ating mga kababayan sakaling maging biktima sila ng war crime na kabilang sa iniimbestigahan ng ICC.
Bukod naman sa war crime, kasama rin sa maaaring siyasatin ng ICC ang genocide, crimes against humanity at crime of aggression.
Giit pa nito, hindi rin kailangan ng ating mga OFW ang ICC.
UN inaasahang tutulong sa PHL – solon
Aniya, nariyan naman ang United Nations na maaaring tumulong sa Pilipinas.
Samantala, sa patuloy na deployment ban sa Kuwait, iminungkahi ng kongresista na isulong ng gobyerno ang bilateral agreement sa halip na memorandum of understanding upang mas maprotektahan ang kapakanan ng ating mga OFW doon lalo na ang mga domestic helper. Eden Santos