Pagkalat ng mga pekeng Dengvaxia cards, ibinabala ng Kamara

(Eagle News) — Nagbabala sa publiko si House Committee on Appropriations Chairman Karlo Nograles ukol sa mga pekeng Dengvaxia cards.

Sa pagdinig kasi ng komite noong Martes, Mayo 22, ay sinabi ng Department of Health (DOH) na maging ang iniisyu nilang Dengvaxia cards ay pinepeke na rin.

Ang Dengvaxia cards ay magsisilbing identification cards ng mga nabakunahan ng Dengvaxia at ito ang kanilang ipiprisinta sa mga ospital sakaling magkaroon ng anomang uri ng sakit.

Batay sa orihinal na budget breakdown ng DOH na iprinisinta sa House Committee on Appropriations nasa P45 milyon ang inilaan nilang pondo para sa pagpapagawa ng mga nasabing cards at P25 milyon  naman para sa medicines at supplies.

Pero agad na iminungkahi ni Nograles na ang P45 milyon na lang ang gamitin sa pagbili ng medisina at supplies at gawing P25 milyon nalang ang para sa Dengvaxia cards dahil mas mahalaga umano na matulungan ang mga biktima sa kanilang pagpapagamot.

Plano ng DOH na sa pagbubukas ng klase sa Hunyo ay ipapamahagi na nila sa mga nabakunahan ng Dengvaxia ang lahat ng mga bagong card.

Nakalagay sa Dengvaxia cards ang pangalan ng vaccinees, grade level, gender, pangalan ng magulang o guardian at contact number.

Nakalagay rin sa card kung ilang doses ang naibakuna sa kanila at kung kailan nila ito natanggap upang mamonitor ang kanilang kondisyong pangkalusugan. Eden Santos

Related Post

This website uses cookies.