Ni Meanne Corvera
Eagle News Service
Paiimbestigahan sa Senado ang panibagong kaso ng pagpatay sa isang “doctor to the barrio” sa Cotabato City.
Ayon kay Senador Risa Hontiveros, maghahain siya ng resolusyon para maimbestigahan sa pagbubukas ng sesyon sa Mayo ang pagkamatay ng volunteer doctor na si Dr. Sajid “Jaja” Sinolinding.
Nakakabahala aniya ang mga kaso ng pagpatay sa mga volunteer doctor dahil isang malaking banta rin ito sa para mabigyan ng access ang publiko sa libreng health services.
Katunayan, sinabi ng mambabatas na sa datos ng Deparment of Health noong 2016, 320 ang nag-apply para sa 946 na bakanteng slots ng Doctors to the Barrios program ng DOH.
Nangangahulugan lamang aniya ito na mahigit 60% ng mga malalayo at mahihirap na barangay ang patuloy na napagkakaitan ng serbisyong medikal.
“Konti na nga lang ang mga nagboboluntaryong doktor sa mga barrio, pinapaslang pa. Nakakalungkot dahil sa bawat volunteer doctor na pinapatay, isang bukas-palad na tao ang inaagawan ng buhay, at isang komunidad ang pinagkakaitan ng serbisyong medikal,” aniya.
Si Sinolinding at ang kaniyang security escort ay binaril ng isang lalaki na nagpanggap na pasyente sa Cotabato Doctors Clinic nitong Martes.
Si Sinolinding, na isang ophthalmologist, ay nakababatang kapatid ni DOH-Autonomous Region in Muslim Mindanao (DOH-ARMM) Secretary Dr. Kadil Sinolinding, Jr.
Ang pagpatay sa doktor ay nangyari halos dalawang buwan matapos tambangan ang isa pa–si Dr. Dreyfuss Perlas sa Sapad, Lanao del Norte noong ika-1 ng Marso.