ORMOC CITY, Leyte (Eagle News) – Patuloy pa rin ang pagkumpuni ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) sa mga linya ng kuryente na nasira dahil sa pagtama ng magnitude-6.5 na lindol sa Leyte nitong nakaraang linggo.
Noong Lunes, July 10, isinailalim sa testing ng NGCP ang Ormoc substation pero inabot ang mga tauhan ng gabi dahil sa naranasang pag-ulan at aftershocks.
Ayon sa NGCP, kapag umuulan at nakararanas ng aftershock, kinakailangang agad ihinto ang kanilang operasyon.
Kung magiging maayos ang resulta ng testing, magagawang padaluyin ang kuryente gamit ang Tabango-Ormoc bypass line, upang masupplyan ang Samar, Leyte, Biliran at Bohol ng kuryenteng magmumula sa Cebu.
Ang Ormoc-Togonon 138kv line naman ay nakatakda na ring tumanggap ng kuryente mula sa Tongonan Plant sa sandaling maibalik na ang supply.
Maliban kasi sa delikado ito para sa kanilang linemen, ang mga kinukumuning linya ay mayroong high voltage at sensitibo sa paggalaw at moisture.
Samantala, bagaman naibalik na ang supply ng kuryente sa Cebu City at Mandaue City, patuloy naman ang pagpapatupad ng rotational brownouts dahil sa kakakapusan pa rin ng suplay ng kuryente. Sa abiso ng Visayan Electric Company (VESO), isang oras na rotational brownouts ang ipinatutupad sa barangay sa lungsod.
Apektado ng rotational brownouts ang mga barangay na sumusunod:
Cebu City
- Ermita, T. Padilla
- Kamagayan
- San Roque
- Tinago
- Sto. Niño
- Parian
- Tejero
- North Reclamation Area
Mandaue City
- Tipolo
- Subangdaku