Paglagay ng dashcam sa mga pampublikong sasakyan, ipinanukala sa Senado

Ni Meanne Corvera

Eagle News Service

Oobligahin na ang mga pampublikong sasakyan at mga patrol car ng gobyerno na maglagay ng camera sa dashboard ng mga sasakyan.

Ito’y kapag napagtibay ang Senate Bill 1457 o Dashcam Law na inakda ni Senador JV Ejercito.

Layon ng panukala na makatulong sa pagresolba sa mga road accident, na pang-apat na sa mga itinuturing na dahilan ng pagkamatay batay sa report ng World Health Organization, at ng iba pang uri ng krimen at mga pang-aabuso.

Katunayan, sinabi ni Ejercito na batay sa report ng Metro Manila accident recording and analysis system, noong 2016, umaabot sa 109, 322 ang naitalang aksidente sa mga lansangan.

Ang paglalagay aniya ng dashcam ay pagsunod lang sa itinatakda na probisyon ng Republic Act 10173 o Data Privacy Act dahil na rin sa mga kaso ng pang-aabuso sa mga pampublikong sasakyan.

Pero hindi aniya obligado na isapubliko ang anumang nakunang recording at subject pa rin ito sa consent ng sinumang biktima.

Sakop ng panukala ang mga PUV, patrol vehicle ng gobyerno gaya ng mga sasakyan ng National Bureau of Investigation at ng Philippine National Police, mga school service, at iba pang sasakyan na nagbibigay ng serbisyo sa publiko.

Sakaling maging batas, ang lalabag ay maaring magmulta ng hanggang P50,000.

Maaring  masuspinde ang kaniyang prangkisa.

https://youtu.be/JD-nmXe3yho