Pagpapaliban ng Barangay polls, di makakabuti sa PHL – Sen. Pangilinan

 

By Jerold Tagbo
Eagle News Service

MANILA, Philippines (Eagle News) — Hindi umano makakabuti sa demokrasya ng bansa kung ipagpapaliban na naman ang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections na nakatakdang gawin sa Oktubre.

Ayon kay Senator at Liberal Party President Kiko Pangilinan, mapapahina aniya ang demokrasyang umiiral sa bansa at lalaganap lamang umano ang patronage system dahil sa pag-appoint ng executive branch sa mga magiging opisyal sa mga barangay.

 

Senator Pangilinan: Dapat hayaan ang mga botante na makapili ng karapat-dapat na opisyal ng barangay

Dapat aniyang hayaang ibigay sa mga botante ang pagpili kung sino sa mga karapat-dapat na opisyal ang ihalal sa bawat barangay.

Naniniwala ang Senador na kung gagawing isyu ang narcopolitics sa Barangay at SK Elections at maisama ito sa voters education, magkakaroon ng kaalaman ang publiko kung sino sa mga kandidato ang dapat na iboto.

 

Banukalang ipagpaliban ang barangay election, una nang inihain sa Kamara

Una nang sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na apatnapung (40) porsyento ng mga barangay official ang sangkot umano sa iligal na droga.

Kaya kumilos na ang mga kaalyado nito sa Kamara para sa panibagong postponement ng halalan.

Naghain na ng panukalang batas si Surigao Del Norte Representative Robert Ace Barbers para sa pagpapaliban ng SK at Barangay election.

Sa halip na sa Oktubre ngayong taon, nilalaman ng panukala na gawin ang barangay elections sa Mayo 2020 para matiyak na ang lahat ng lalahok ay hindi sangkot sa illegal drugs.

Pagpapaliban ng barangay polls, dapat may batas – COMELEC

Sa panig ng Commission on Elections (Comelec), dapat na may batas na sa postponement bago sumapit ang buwan ng Hulyo.

Sinabi ni Comelec Spokesperson James Jimenez na sa naturang buwan, magsisimula na ang procurement ng ahensya sa mga election paraphernalia.

Voters’ registration, patuloy

Patuloy pa rin na isinasagawa ng komisyon ang voters’ registration na matatapos sa susunod na buwan.

Inaasahan na papalo sa karagdagang tatlong milyon ang magiging bagong botante bunsod ng ginawang rehistrasyon sa iba’t-ibang panig ng bansa.

Gayunman, may pangamba ang Comelec na maaring bumaba ang bilang ng mga nagpaparehistro sa huling bahagi ng registration bunsod na rin sa naging pahayag ng Pangulo.