MANILA,Philippines (Eagle News) — Ipinapawalang-bisa ng isang kongresista sa Korte Suprema ang Land Transportation Office Driver’s license plate project.
Sa kanyang petisyon, hiniling ni Acts Ofw Partylist Representative Aniceto Bertiz III na ipahinto ang implementasyon ng driver’s license plate deal na nagkakahalaga ng 830 million pesos.
Nais din ni Bertiz na ideklara ng Korte Suprema na unconstitutional ang nasabing proyekto dahil wala ni isang sentimo na nakalaan dito sa 2016 General Appropriations Act na paglabag sa Section 29 ng saligang batas.
Ayon pa sa kongresista, kapag pinayagan na magpatuloy ang license plate deal ay para na ring kinukunsinti ng pamahalaan ang kurapsyon.
Naigawad na ng LTO ang kontrata noong Abril sa Nextix, Dermalog Identification Systems, at CFP Strategic Transaction Advisors Joint Venture para sa walong milyong piraso ng license plastic cards.
Hinimok din ni Bertiz ang Korte Suprema na magpatawag ng oral arguments sa kanilang petisyon.
Nilinaw nito na hindi layon ng kanilang petisyon na pahirapan ang mga motorista.
Ilan sa tinukoy na respondents sa petisyon sina Executive Secretary Salvador Medialdea, Transportation Secretary Arthur Tugade at Budget Secretary Benjamin Diokno.
(Eagle News Service Moira Encina)