Pagsamba ng Iglesia ni Cristo sa Urdaneta City District Jail, Pangasinan, nagsimula na

By Renzo Nidoy at Rusell Failano
Eagle News Service, Pangasinan

URDANETA City, Pangasinan (Eagle News) Maayos at mapayapa na naisagawa ang kauna-unahang pagsamba ng mga kaanib sa Iglesia ni Cristo sa Urdaneta City District Jail, sa Brgy. Anonas, Urdaneta City, Pangasinan noong Mayo 26, 2016. Pinangasiwaan ng District Supervising Minister Bro. Nelson H. Mañebog ng Pangasinan East ang pagsambang isinagawa. Kasama rin na dumalo ang iba pang mga ministro at ang kanilang mga maybahay.

Ayon kay G. Celestino Dizon, Jr., kaanib ng Iglesia Ni Cristo sa Urdaneta, ipinagpapasalamat nila sa kasalukuyang Executive Minister ng Iglesia ni Cristo na si Bro. Eduardo V. Manalo, ang pagbibigay sa kanila ng pahintulot na makapagsagawa ng pagsamba sa loob ng piitan.

Nagsagawa ng pagsamba sa piitan matapos maraming maakay na maging INC na mga taga-loob ng Urdaneta City District Jail.

Ikinatuwa naman ng mga nasa Urdaneta City District Jail ang pagkakaroon nila ng pagsamba sa loob ng piitan sapagkat ayon kay Jail Chief Inspector Roque Constantino Sison III, inaabangan na ito dahil sa mga nakaraang buwan ay nalagdaan na ang Memorandum of Agreement o MOA sa pagitan ng mga namumuno sa Urdaneta City District Jail at ng Iglesia Ni Cristo.

Ang pagsamba ng Iglesia Ni Cristo sa nasabing piitan ay regular ng isasagawa tuwing araw ng Huwebes at Linggo.

 

 

 

Related Post

This website uses cookies.