(Eagle News) — Hindi pa man naihahain ang panukalang batas ukol sa pagbabalik ng “death penalty” sa bansa, malaki raw ang tsansa na mabilis itong maipapasa sa kongreso.
Ayon kay presumptive house minority leader Danilo Suarez, nasa walumpung porsyento ng mga miyembro ng 17th Congress ang tiyak na boboto ng pabor sa “death penalty bill “o ang tinatawag na “super majority” sa kamara.
Ang nasabing panukalang batas ay una sa mga ‘priority bills’ ng administrasyon ni president-elect Rodrigo Duterte bukod sa isusulong na pag-amyenda sa saligang batas sa pamamagitan ng ‘constitutional convention’, 3 child policy at ilang economic bills.
Pinakiusapan na raw ni Duterte ang mga lider pulitikal sa kamara na tulungan si incoming house speaker Pantaleon Alvarez sa agarang pagsasabatas ng kaniyang mga mahahalagang panukalang batas.
Nasa limampung inmates na sangkot sa iba’t ibang ‘heinous crimes’ partikular na sa iligal na droga ang target na mabitay kada buwan ng administrasyong Duterte.
Kung hindi raw kase mareresolba ang kriminalidad sa bansa ay mahihirapan si duterte na maisakatuparan ang kaniyang mga programa ng gobyerno para sa mga mamamayan.
Eagle News Service Eden Suarez-Santos