MANILA, Philippines (Eagle News) — Inihayag ng malakanyang na tanging ang Department of Trade and Industry (DTI) lamang ang nagpahayag ng pagkabahala sa naka-ambang pagsasara ng Boracay Island.
Ayon kay Deputy Executive Secretary Menardo Guevarra, nag-sumite ang DTI ng magkahiwalay na memorandum na humihiling na gawin ang closure sa Boracay ng iba’t-ibang yugto bilang konsiderasyon sa magiging epekto nito sa mga negosyo at hanap buhay ng mga maapektuhan.
Una rito, inirekomenda ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), Department of Interior and Local Government (DILG) at Department of Tourism (DOT) na pansamantalang i-shutdown o isara ang Boracay sa loob ng anim na buwan na magsisimula sa Abril 26.
Paliwanag ni Guevarra, humiling ang Office of the President ng modified recommendation para maipaliwanag, ma-expand at ma-justify ng mga naturang ahensya ang kanilang suhestiyon.
Nakasaad aniya sa two-paragraph recommendation ang panukalang total closure ng Boracay kung kaya hiniling ng Pangulo kung may qualification para rito.
Sinabi rin ni Guevarra na kabilang sa top priority ni Pangulong Rodrigo Duterte ang rehabilitasyon ng Boracay.
Tinitignan din aniya ng Malakanyang ang economic impact sa Isla dahil ang closure ay hindi lamang makakaapekto sa kalikasan kundi maging sa mga tao doon at ang kanilang ikinabubuhay.
Sa kabila ng nakaambang pagsasara sa Boracay, sinabi rin ni Gueverra na bibigyan ng sapat na panahon ang mga negosyo para makapaghanda.
(Eagle News Service Aily Millo)