MANILA, Philippines (Eagle News) — Itataas ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang buwanang kontribusyon nito simula sa Enero 2018.
Sinabi ni PhilHealth Regional Information Officer Bryan Jabay, ang dagdag na kontribusyon ay alinsunod sa PhilHealth sirkular na inilabas noong Setyembre 11 para palakasin ang mga health program ng ahensiya.
Batay sa sirkular, mula sa Php 250.00 ay magiging Php 275.00 ang monthly premium para sa mga sumusuweldo ng Php 10,000 pababa.
Ang may buwanang kita na Php 39,999.99 ay magtataas sa Php 1,099.99 mula sa Php 1,000, samantalang magiging Php 1,100 na ang kontribusyon mula sa Php 1,000 para sa Php 40,000 ang buwanang suweldo.
Saklaw ng bagong rate ang miyembro ng formal economy, kabilang ang mga kasambahay, mga Overseas Filipino Worker at lahat ng empleyado ng gobyerno at pribadong sektor.