(Eagle News) — Asahan umano ang mabuting ibubunga sa ekonomiya ng bansa ang pagtanggal ng gobyerno sa deployment ban sa Kuwait.
Ito ay matapos magkasundo ang Pilipinas at Kuwait na lagdaan ang memorandum of agreement (MOA) para sa proteksyon ng karapatan at kapakanan ng Overseas Filipino Workers (OFWs).
Ayon kay Quezon City Representative Winnie Castelo, Vice-Chairman ng House Committee on OFWs ang pagtanggal sa deployment ban para sa mga skilled at semi-skilled workers ay makabubuti para sa ating ekonomiya.
“The lifting of the deployment ban for skilled and semi-skilled workers is good for the economy,” ayon sa opisyal.
Aniya, makakapagtrabaho na muli sa Kuwait ang mga skilled at semi-skilled workers.
Kasunod nito, posibleng tumaas muli ang remittances ng mga OFW mula sa nasabing bansa.
Sinabi ni Kabayan Partylist Representative Ron Salo na maaaring umabot sa 600 million dollars sa taong ito ang remittances mula sa Kuwait pagsapit ng Hunyo at Hulyo sakaling makarekober ito sa second half ng taon.
Ito umano ay dahil sa magiging epekto ng partial lifting ng deployment ban sa Kuwait.
“If remittances from Kuwait recover strongly in the second half of this year, there is some hope the remittances could at least reach $600 million for all of 2018,” pahayag naman ni Salo.
Una rito, bumagsak ng 13.3 percent o katumbas ng 105.9 million dollars ang remittances mula sa Kuwait noong Enero at Pebrero ng taong ito. Eden Santos