Pagtataas sa multa sa mga paglabag ng TELCOS, isusulong sa pamamagitan ng House Bill 671

QUEON CITY (Eagle News) – Isinusulong ni Tarlac 2nd District Representative Victor Yap sa Mababang Kapulungan ang pag-amyenda sa batas na nagpapataw ng multa o parusa sa mga TELCOS na lumalabag sa Certificates of Public Convenience and Necessities (CPCN) na ini-issue ng National Telecommunications Commission ( NTC).

Ayon sa lumang Commonwealth Act (CA) 146 o mas kilala sa tawag na Public Service Law na unang ipinatupad pa noong 1936, nagkakahalaga lamang ng P200 hanggang P25,000 kada araw ang multa sa magiging paglabag ng mga TELCOS sa kanilang CPCN.

Sa bagong batas, itataas ito mula P300,000.00 hanggang P5 milyon at ang pagkansela sa prangkisa ng TELCOS na mag-operate.

Kabilang sa mga posibleng paglabag na maaaring ikaso sa TELCOS ay kung:

  • Nakararanas ng drop-calls ang consumers dahil sa depektibong serbisyo;
  • Maling paniningil dahil sa substandard na serbisyo
  • At higit na mabagal na internet connection speed sa napag-usapan

Inaasahan ni Cong. Yap na mas lalo pang “ma-improve” ang bagong bersyon upang lalong makinabang ang mga consumer at ng publiko.

Norie Baytic  – EBC Correspondent, Quezon City