Pagtatayo ng temporary shelters para sa mga residente ng Marawi, sinimulan na

Rehabilitasyon at reconstruction sa Marawi City, kaagad na isusunod
(Eagle News) — Itutuon na ng Malacañang ang kanilang buong pansin sa rehabilitasyon at reconstruction sa Marawi City.

Ito ay matapos opisyal na i-anunsyo ni Defense Sec. Delfin Lorenzana na tapos na ang giyera sa lungsod.

Sinabi ni Presidential Spokesman Ernesto Abella, isang napakalaking hamon ang muling pagbangon ng Marawi dahil sa laki ng pinsalang iniwan ng limang buwang bakbakan sa imprastruktura at ari-arian.

Gayundin ang libu-libong evacuee na wala ng babalikang tirahan at kabuhayan.

Ayon kay Abella, pinupuri nila ang mga tropa ng pamahalaan kabilang ang mga nasawi sa digmaan dahil sa kanilang tapang, kabayanihan at sakripisyo para sa bayan.

Pagtatayo ng temporary shelters

Sinimulan na ng mga otoridad sa Marawi City ang pagtatayo ng pansamantalang matitirhan ng mga residenteng nasira ang tahanan sa halos limang buwang bakbakan sa lungsod ng tropa ng gobyerno laban sa Maute-ISIS.

Ayon sa mga otoridad, mahigit isang libong transitional shelters ang itatayo sa lungsod na may simpleng kusina at palikuran na rin.

Ang mga residenteng nakatira sa ground zero o labis na napinsala ang mga bahay ang prayoridad na bigyan ng pansamantalang matitirhan.

Isa ang residenteng si Baimona Amintao sa mahigit limang libong pamilya na pansamantalang nanunuluyan sa loob ng covered gymnasiums at tent cities.

Umaasa siya na mapagkakalooban siya ng temporary shelter para sa kaniyang limang anak.

Magsasagawa naman ang mga otoridad ng raffle para sa unang dosenang bahay para agad nang magkaroon ng pansamantalang matitirhan ang mga residente wala ng mauwiang bahay.

Inaasahan naman na sa loob ng tatlong buwan ay matatapos ang pagtatayo ng mga temporary shelter sa Marawi City.

Clearing operations 

Samantala, tuloy-tuloy pa rin ang ginagawang clearing operations ng gobyerno sa Marawi City. Tinatanggal ng mga ito ang mga debris mula sa mga kalsada.

Umaasa naman ang mga residente sa Marawi City na hindi na mauulit pang muli ang nasabing bakbakan.

(Eagle News Correspondents Aily Millo, Earlo Bringas)