(Eagle News) — Nilinaw ni Department of Information and Communications Technology (DICT) Secretary Eliseo Rio Jr., na training at paglalatag lamang ng mabilis na WiFi connection ang tulong na gagawin ng United Nations sa Pilipinas.
Sa panayam, sinabi ni Rio na ginawa nila ang hakbang matapos umamin ang ilang local telecommunication companies na mahihirapan silang tugunan ang demand ng libreng internet access points na nakapaloob sa free WiFi law.
Dahil sa pag-aming ito ng mga telcos, mahihirapan silang maglatag ng libre at mabilis na WiFi zone sa mga public places, mga unibersidad at kolehiyo batay na rin sa nakasaad sa batas.
Paliwanag pa ni Rio na sa ilalim ng united nations development program, matuturuan ang bansa na makapaglatag ng mabilis na WiFi connection.
“Kasi itong mga public places na free WiFi kailangan nito ng malawak na bandwidth, kasi kung maliit lang ito masyadong mabagal kung maraming magcoconnect. So talagang malaking bandwidth na kailangan.
“Ang United Nation Development program, actually may mga programa na sila sa Department of Education at nakatulong na rin sila sa atin. So, ito lang ang isa sa mga pwede nating hingian. Pero hindi naman agad-agad nila idedecline ito, siguro 2 years hanggang three years,” pahayag ng opisyal.