Spell checker software para sa mga salita sa wikang Filipino, inilunsad ng KWF

(Eagle News) — Pinaiigting ng Komisyon sa Wikang Filipino ang pagtuturo ng tamang spelling o pagbabaybay sa bawat salita ng wikang Filipino.

Kaugnay nito, naglungsad ang komisyon ng isang programa ukol sa pagpapabilis sa paniniyak na tama ang spelling ng salitang Filipino gamit ang makabagong teknolohiya.

Spell checker software

Sa pamamagitan ng spell checker software, mas magiging magaan at mabilis ang pagbabaybay sa tamang salita sa wikang Filipino.

Halimbawa nito ay ang mga salita na ginagamitan ng kambal katinig na dapat dinaragdagan o sinisingitan ng letrang y at w.

Layon ng komisyon na ipamulat ang tamang paggamit ng wikang Filipino sa pamamagitan ng tamang paggamit ng baybay nito.

Bagamat nasa tinatawag na trial stage ang language tool sa mga computer ng ilang piling kawani ng komisyon, sinisikap nilang maisaayos ang iba pang kakulangan nito.

Kagaya aniya ng karaniwang nakikita sa Word na guhit na pula sa ilalim ng mga salitang Ingles na mali ang spelling, kulay asul na guhit naman ang makikita sa ilalim ng mga salita sa wikang Filipino na mali ang spelling.

Ang KWF ang nagtatakda ng tamang panuntunan sa paggamit ng tamang baybay ng bawat salitang Filipino.

 

(Eagle News Service Vin Pascua)