Palarong Pambansa 2016, nagtapos na

Photo Courtesy by: Orlando Encinares

 

(Eagle News) — Nagtapos na ang Palarong Pambansa 2016 sa Albay Sports And Tourism Complex.na dinaluhan ng higit 14,000 na manlalaro mula sa buong bansa.

Sampung panibagong national records ang naitala sa mga event ng athletics at swimming.

Muli namang nasungkit ng National Capital Region (NCR) ang top spot matapos na makakuha ng 104 na gold medals. Nahigitan rin ng rehiyon ang kanilang rekord ng nakaraang palarong pambansa na merong 98 na gold medals.

Samantala, isang PWD (person with disability) athlete awardee ang nagdala ng palarong pambansa torch upang sindihan ang “coron” na hudyat sa pagtatapos ng palaro.

Maayos namang naidaos ang nasabing event sa kabila ng ilang di inaasahang pangyayari. Kabilang na rito ang pagsabog ng “coron” na may tatlong kataong nadamay, isang game brawl sa semi final match ng mga manlalaro ng soccer, at pagkakakuryente ng isang PWD athlete na taga Puerto Princesa sa isang food stall.

Ayon sa mga nakasaksing mga opisyal ng palaro, kahangahanga, napakaganda at napaka-ayos kumpara sa mga nagdaang mga palaro sapagkat mula sa sports facilities at mga fitting stations ng mga atleta at sports officials ay napakalinis at organisado. Nakapaskil din ang “Strictly No Smoking Policy” na matagal nang ipinatutupad sa buong lalawigan ng Albay.

Sa pagtatapos ng palaro ay maluhaluhang pinasalamatan ni Albay Governor Joey Salceda ang lahat ng mga organisasyong nakipagkaisa sa pagdaraos at binigyang gawad pagkilala ang mga concerned agencies na may kaugnayan sa aktibidad.

Naging panauhing pandangal sa pagtatapos ang Kalihim ng Edukasyon na si Secretary Armin Luistro na buong pusong pinasalamatan ang lahat at pinuri ang mga mamamayan ng Albay sa magandang pagtratong ipinakita sa mga dumayong atleta at mga sports officials habang idinaraos ang Palarong Pambansa 2016.

 

(Eagle News Albay Correspondent, Orlando Encinares)

This website uses cookies.