PALAWAN (Eagle News) – Mahigit sa 1,900 ektarya sa Timog Palawan ang nataniman na ng puno ng cacao sa ilalim ng Palawan Cacao Agri-Business & Livelihood Program ng Pamahalaang Panlalawigan.
Sa pahayag ni Dr. Myrna O. Lacanilao, hepe ng Livelihood Project Management Unit ng Pamahalaang Panlalawigan, sa ilalim aniya ng Phase 1 ng programa ay 799 ektarya ang nataniman sa Munisipyo ng Rizal, 96 ektarya sa Bataraza, at 5 ektarya naman sa Bayan ng Quezon. Sa Phase 2 naman ng programa na sinimulan nitong huling bahagi ng taong 2016 ay mayroong nang kabuuang 1,075 na ektarya ang natamnan ng cacao sa mga bayan ng Brooke’s Point, Sofronio Expañola, Rizal, Quezon, Aborlan, Bataraza at Narra.
Ayon pa kay Dr. Lacanilao, umaabot na sa mahigit dalawang libong magsasaka ang nakikinabang sa naturang programa at umaasang makakapag-ani na ngayong unang bahagi ng taong kasalukuyan.
Ang Palawan Cacao Agri-Business & Livelihood Program ay bahagi ng IHELP program na ipinatutupad ni Gov. Jose Ch. Alvarez. Layunin nito na matulungan ang mga magsasaka sa pagsisimula ng taniman ng cacao. Katuwang ng Pamahalaang Panlalawigan sa pagpapatupad ng programa ang Kennemer Foods International na nagbibigay ng tulong teknikal.
Ipinaliwanag ni Dr. Lacanilao na ang benepisyaryo ng programa ay binibigyan ng mga kagamitang pangtanim at pangsaka ng cacao, mga pataba sa pananim at tulong teknikal. Ang 30% na manggagaling sa kanilang ani ay kanilang ibabalik sa Pamahalaang Panlalawigan at ang natitirang 70% ay para sa kanilang magsasaka.
Umaasa ang Pamahalaang Panlalawigan na magiging malaki ang benepisyo ng mga Palaweñong magsasaka sa programang ito para sa pagpapataas ng kanilang kabuhayan.
(Jack Martin – EBC Correspondent, Palawan)