By Mar Gabriel
Eagle News Service
(Eagle News) — “They told us of the ‘palit-ulo’ scheme which means they exchange heads (such that) the wife, husband or relative in a so-called drug list will be taken if the person himself could not be found.”
Ito ang bersyon ng “palit-ulo” scheme na inihayag ni Vice President Leni Robredo sa kanyang video message na ipinalabas sa annual meeting ng United Nations Commission on Narcotic Drugs Sa Vienna Austria, noong nakaraang linggo.
Giit ni Philippine National Police Chief Ronald “Bato” Dela Rosa, wala siyang natatanggap na report ukol sa ganitong kalokohan ng mga pulis.
PNP Chief kay VP Robredo: Magbigay ng impormasyon sa mga pulis na dawit sa “palit-ulo” scheme
Ang hamon ni PNP Chief Dela Rosa sa bise president, magbigay ng impormasyon ukol sa mga pulis na sangkot sa ganitong katiwalian na hindi raw katanggap-tanggap.
“Palit-ulo” scheme ng PNP, ‘di katulad ng bersyon ni VP Robredo – PNP Chief Dela Rosa
Sa harap nito, inamin naman ni Bato na may nangyayaring palit ulo scheme sa PNP.
Pero hindi raw ito katulad ng bersyon ni Robredo na maliwanag na labag sa batas at sa karapatang pantao.
“Yung “palit-ulo” scheme ng pulis, dito nangyayari, “palit-ulo” wherein, ikaw nahuli kita drug pusher ka, ngayon palit-ulo ilaglag mo sino supplier mo or sino yung drug lord na nasa taas,” pahayag ni Dela Rosa.
Kung maituro ng suspek ang mas malaking isda, hindi raw ibig sabihin nito na palalayain na sya.
Pero sa halip na sampahan siya ng mabigat na kaso gaya ng selling of illegal drugs mas magaan na kaso na lang daw ang isasampa sa kanya gaya ng possesion of illegal drugs.
Dela Rosa, wala raw tinanggap na sulat mula kay VP Robredo kaugnay ng “palit-ulo” scheme
Itinanggi naman ni Dela Rosa na may natanggap syang sulat noon mula sa tanggapan ng ni Robredo na humihiling para imbestigahan ang “palit-ulo” scheme.
Giit ng Heneral, palusot na lang daw ito ng kampo ni Robredo matapos umalma ang PNP sa maling konsepto nila ng palit-ulo.