MANILA, Philippines (Eagle News) — Pinangunahan ni Philippine National Police (PNP) Chief Ronald “Bato” Dela Rosa ang regular na palitan ng Special Action Force (SAF) contingent na nagbabantay sa New Bilibid Prison partikular na sa Maximum Compound at Building 14.
Ito na ang ika-apat na beses na nagpalit ng mga tauhan ng SAF sa bilibid simula nang italaga sila noong July 2016.
Karamihan ng SAF na inilagay sa NBP, mga beterano ng Marawi siege
Karamihan sa mga SAF na inilagay sa Bilibid, mga beterano ng Marawi siege sa pangunguna ng kanilang Battalion Commander na si Pol. Chief Ins. Christopher Mendoza.
Pagdaragdag ng SAF troopers sa NBP, ipinag-utos ng PNP Chief
Sa gitna ng talumpati ni Dela Rosa, ipinag-utos nya kay SAF Director Police Director Noli Talino na dagdagan pa ng isang kumpanya o isangdaang SAF ang idedeploy sa Bilibid.
Mas malawak na gampanin ng SAF sa NBP, pinaburan ng PNP Chief
Ito’y para mabantayan na rin daw nila maging ang medium compound ng New Bilibid Prison kung saan namamayagpag umano ang mga bagong drug player.
Women’s correctional, pinasyalan din ni Gen. Dela Rosa
Bukod sa Bilibid, pinasyalan din ni Dela Rosa ang Women’s correctional sa Mandaluyong City para kamustahin ang sitwasyon ng drug queen na si Yu Yuk Lai.
Pero paglilinaw nya, hindi pa ito bahagi ng preparasyon sa posibilidad na pag-upo nya bilang bagong director ng Bureau of Corrections.
Posible raw kasi na hindi pa ito matuloy sakaling tuluyan nang mapahinto ng SAF ang drug trade sa Bilibid.
(Eagle News Service Mar Gabriel)