Pamahalaan, hihingi ng clemency sa siyam na Pilipinong bibitayin dahil sa Sabah standoff

MANILA, Philippines (Eagle News) — Hihingi ng clemency ang Malacañang sa gobyerno ng Malaysia para mailigtas sa parusang kamatayan ang siyam na Pilipinong militante na nahaharap ngayon sa death row.

Sa isinagawang press briefing sa Albay, sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na tungkulin ng estado na tiyaking ligtas ang mga Pilipino na nasa ibang bansa.

Ayon kay Roque ang tanging magagawa ng Malacañang ay umapela para sa clemency ng siyam na Pilipino na nasa death row sa Malaysia.

Inihayag ni Roque na nasa gobyerno pa rin ng Malaysia ang huling pagpapasya kung pagbibigyan ang hirit ng Pilipinas na clemency.

Nahatulan ng parusang kamatayan ang siyam na Pilipino matapos mapatunayan na sangkot ang mga ito sa insidente ng biglaang pagpasok sa silangang estado ng Sabah para ituloy ang pagbawi ng Sultanate of Sulu.

Ang siyam na Pilipino ay pawang mga follower o tagasuporta ng self-proclaimed sultan ng Sulu na si Jamalul Kiram III at mga tauhan ng kapatid nito na si Agbimuddin Kiram.

(Vic Somintac)

This website uses cookies.