MANILA, Philippines (Eagle News) — Pahihintulutan na ng Malacañang ang United Nation special rapporteur na imbestigahan ang mga umano’y paglabag sa karapatang pantao at sinasabing extra judicial killings na iniuugnay sa anti-drug war ni Pangulong Rodirgo Duterte.
PHL, tumangging si Callamard ang ipadala ng UN
Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na maaaring magimbestiga ang UN special rapporteur sa isyu ng war on drug ng Duterte Administration pero hindi si Agnes Callamard ang dapat na ipadala sa pilipinas.
Ayon kay Roque, sira ang kredibilidad ni Callamard dahil nagkaroon na siya ng pre-judgement sa anti-drug war ng Pangulo na ibinatay sa hindi beripikadong data at impormasyon.
Inihayag ni Roque ang pangunahing kuwalipikasyon ng UN special rapporteur ay mapagkakatiwalaan at walang kinikilingan.
Pahintulot ng gobyerno, kailangan bago makapasok ang UN rapporteur sa PHL
Niliwanag ni Roque na kailangan ang consent ng gobyerno bago opisyal na makapasok ang UN special rapporteur na magsasagawa ng imbestigasyon.
Iginiit ni Roque na dahil sa pagiging bias ni Callamard ang pangunahing dahilan kaya hindi nagbibigay ng consent ang pamahalaan ng Pilipinas.
Ang imbestigasyon ng UN special rapporteur ang iginigiit ng mga kalaban ni Pangulong Duterte na kontra sa all out war ng gobyerno laban sa ilegal na droga sa bansa.