(Eagle News) — Tiniyak ni incoming Department of Agrarian Reform Secretary Rafael Mariano na agad nitong pagtutuunan ng pansin ang pamamahagi sa mga magsasaka ng parte ng Hacienda Luisita oras na makaupo na aniya siya sa puwesto.
Ito ay matapos kumpirmahin ni president-elect Rodrigo Duterte ang kaniyang appointment sa nasabing kagawaran.
Ayon kay Mariano, aalamin niya kung paano ang naging implementasyon ng DAR sa distribusyon ng mahigit 4, 000 ektaryang lupa sa mga farmer-beneficiaries ng nabanggit na hacienda na pag-aari ng pamilya ni Pangulong Benigno Aquino III.
Dagdag pa nito, nagtataka aniya siya kung bakit hindi pa tapos ang pamamahagi sa mga magsasaka gayong noong 2012 pa naipalabas ng Korte Suprema ang desisyon ukol sa kaso at nabayaran na aniya ang pamilya Cojuangco at Aquino ng buo na nagkakahalaga ng P471 billion na galing pa aniya sa mismong pondo ng DAR.
Binigyang-diin ni Mariano na makikipag-ugnayan siya sa mga magsasaka kung anong angkop na paraan ng pamamahagi ang nais ng mga nabanggit.
Sinabi ng opisyal na maaaring ipamahagi ang lupa sa mga benepisyaryo sa pamamagitan ng individual o collective ownership.
Isusulong din aniya nito ang pagsasagawa ng special audit ng Commission on Audit (COA) sa budget ng DAR.