DAPITAN CITY, Zamboanga del Norte (Eagle News) – Hindi inaasahan ang pagdagsa ng mga piling guro mula sa iba’t ibang paaralan sa bansa sa pagbubukas ng tatlong araw na Pambansang Reoryentasyon sa Panitikan. Ito ay pinangunahan ng isang unibersidad sa Dapitan, Zamboanga del Norte, sa pakikipag- ugnayan ng Komisyon sa Wikang Filipino, National Commission for Culture and the Arts, Commission on Higher Education, Department of Education, at Lokal na Pamahalaan ng Dapitan City.
Ayon kay Dr. Narcisa S. Bureros, Direktor ng Sentro ng Wika at Kultura sa Region IX, layunin nito na matalakay ang mga natatanging katangian ng panitikang Filipino, mailalahad ang mga maka-filipinong pananaw sa pagtuturo ng panitikan, at ang mga panukalang listahan ng rekomendadong akdang pampanitikan.
Matatalakay din umano ang kahalagahan ng panitikan sa edukasyon, katangian ng panitikang Filipino, maka-Filipinong paraan sa pagtuturo ng panitikan na nakatugon sa panitikang bayan, at estado ng panitikan mula sa mga rehiyon ng ating bansa.
Naging panauhing pandangal ang kagalang-galang na G. Virgilio S. Almario, tinaguriang Pambansang Alagad ng Sining, Chairman ng Komisyon sa Wikang Filipino at National Commission for Culture and the Arts.
Ayon kay Almario nararapat lamang na lalong mapagtuunan ng pansin ang pagtuturo ng panitikan. Dahil aniya sa kanilang isinagawang pagsusuri’y napag-alamang hindi gaanong naituturo ang panitikan sa mga kabataan sa mga paaralan mula elementarya sa kakulangan na rin ng kaalaman. Hindi rin gaanong napagbabatayan ang mga akda ng ating mga dalubhasang manunulat. Kahit anu-anong aklat na lang ang napagbabatayan sa pagtuturo na gawa ng sarili at modernong pananaw ng editor.
Dagdag pa niya, kaya ito tinatawag na reoryentasyon ay upang iwasto ang mga maling paniniwala at madagdagan ang kaalaman sa panitikan. Aniya sa ating bansa mayroon tayong isang daan at tatlumpu’t isang wika. Ngunit itinuturo lamang ang panitikan sa dalawang wika–Ingles at Filipino, kaya kailangan umanong dagdagan ang mga itinuturo.
Samantala, tagapanayam sa naturang seminar sina Dr. Michael Coroza, Dr. Alvin Yapan, at Dr. Jerry Respeto ng Pamantasang Ateneo de Manila, Dr. Rosario Lucero ng University of the Philippines- Diliman, Profesor Junley Lazaga ng University of the Philippines- Baguio, Dr. Hope S. Yu ng University of San Carlos, at Profesor John Bengan ng University of the Philippines- Mindanao.
Lady Mae Reluya – EBC Correspondent, Zamboanga del Norte