ROXAS, Palawan (Eagle News) – Nahulog ang isang pampasaherong bus sa malalim na bahagi ng kalsada sa National Highway ng Brgy. Malcampo, Roxas, Palawan.
Ayon kay Raymund Bundal, driver ng bus, habang binabagtas umano nila ang daan pabalik sa Roxas ay bigla umanong may nag-cut na shuttle van.
Nakabig aniya niya ang manibela dahil sa kaniyang pagkabigla kaya bumangga ang sasakyan sa guardrails ng kalsada. Tuluyan na rin aniyang nawalan ng kontrol ang sasakyan kaya humantong na ito sa pagkahulog sa malalim na bahagi ng kalsada.
Wala namang naitalang malaking pinsala sa mga pasahero bukod na lamang sa pagkakaroon ng mga bukol dahil sa pagkauntog. Hindi rin aniya nakilala ng driver ang shuttle na naging sanhi ng aksidente dahil hindi man lamang ito huminto ayon sa mga nakasaksi.
Anne Ramos – EBC Correspondent, Roxas, Palawan