LIPA CITY, Batangas (Eagle News) – Mariing kinondena ng Department of Education (DepEd) ang pananambang ng riding in tandem sa isang high school principal sa Lipa City, Batangas noong Sabado, July 1.
Ayon sa DepEd, mariin nilang kinokondena ang anumang uri ng karahasan, gaya ng ginawang pananambang kay Ginang Emily Mallari na school principal ng Alitagtag National High School.
Ayon sa report, minamaneho ng principal ang kaniyang sasakyan sa bahagi ng Brgy. Banay Banay nang tambangan ito ng dalawang lalaking naka-helmet sakay ng isang motorsiklo.
Pinaputukan ng mga ito si Mallari ng ng dalawang beses at kaagad na tumakas.
Nawalan naman ng kontrol sa manibela ang principal kaya sumadsad ito sa gilid ng kalsada.
Mabilis namang rumesponde ang mga tanod sa lugar at kaagad na naisugod sa ospital ang biktima.
Kasalukuyan pa ring nasa kritikal na kondisyon si Mallari at patuloy pang nagpapagaling.
Nakipag-coordinate na ang DepEd kay Carlito Rocafort, schools division superintendent ng Batangas, maging sa pulisya hinggil sa nasabing kaso.