Pananaw ni Juan Dela Cruz sa Paggunita ng Edsa People Power Revolution


Photo Courtesy:Radio Veritas EDSA People Power Revolution

By Eden Suarez

MANILA, Philippines (Eagle News) — Marami pa rin sa mga Pilipino ang hindi umano nakikipagkaisa sa pagdiriwang ng EDSA People Power.

Sa ika-30 taong paggunita sa makasaysayang EDSA People Power ngayong araw ay mas pinili ng ilan nating mga kababayan na magtungo sa parke para mag-relax kasama ang kanilang mga pamilya, kaibigan at mga katrabaho.

Idineklara ng Malacañang na holiday ang araw na ito upang magkaroon ng pagkakataon ang ating mga kababayan na makilahok sa nasabing selebrasyon na idinaos sa People Power Monument sa EDSA lalo’t marami na sa mga kabataan ang tila nakakalimutan na ang diwa ng EDSA.

Sa panayam ng Net 25 sa ilang kabataang nasa Quezon City Circle, hindi kailangan na naroon mismo sa EDSA upang maipakita ang kanilang pakikiisa sa paggunita ng People Power Revolution na nagpabagsak sa gobyerno ni dating Pangulong Ferdinand Marcos.

Ilan naman sa mga kababayan natin ang hindi sang-ayon sa pahayag ni Pangulong Benigno S. Aquino III sa kaniyang talumpati sa Edsa People Power Celebration na hindi maituturing na Golden Age ang rehimeng Marcos.

Ayon naman sa ilang kababayan natin, mas maganda ang buhay noong panahon ng panunungkulan ni Marcos at ito ang pinakamahusay na naging pangulo ng bansa.

May naidulot din umanong kabutihan sa bansa ang Martial Law.

May ilan na nagsabi na bagama’t laganap pa rin ang kurapsyon at kahirapan na may pagbabago naman na naidulot ang Edsa People Power Revolution.

 

Related Post

This website uses cookies.