(Eagle News) – Sa episode na ito ng Saganang Mamamayan (January 28), tinalakay ang naging pagbubukas muli ng Senado sa imbestigasyon ng Mamasapano operations.
Hinimay nina dating Congressman Rodante Marcoleta at ng kanyang co-anchor na si Gen Subardiaga ang mga napag-usapan sa Mamasapano hearing.
Ayon pa kay Marcoleta, maaaring mas inalam pa sana ng Pangulong Aquino ang kalagayan ng mga miyembro ng Philippine National Police Special Action Force (PNP-SAF), na nakikipagbakbakan sa Mamasapano, Maguindanao.
Maaari din sana, anyang, mas napakilos nito ang kanyang mga tauhan upang magbigay ng agarang suporta sa mga SAF troopers na nasa Mamasapano, lalo pa nga’t kasama mismo ng Pangulong Aquino ang pinakamatataas na opisyal ng militar nang panahong nakikipagbakbakan ang SAF sa Mamasapano.
Sinabi pa niyang mas dapat sanang nakita sa Pangulong Aquino ang pag-aalala sa mga SAF troopers, lalo na’t naipaalam sa kanya nang maaga pa lamang na nagkaroon ng matinding engkwentro sa pagitan ng SAF at ng mga rebeldeng Muslim.