(Eagle News) — Hindi umano nakikialam si Pangulong Benigno Aquino III sa lipatan o pakikipag-alyansa ng ilang miyembro ng Liberal Party (LP) sa maituturing nang ruling party ngayon na Partido Demokratiko Pilipino (PDP)-Laban.
Ito ang inihayag ni outgoing House Speaker Feliciano Belmonte, Vice chairman ng LP, na kasalukuyang nasa Davao City para sa pakikipagpulong kay incoming Rodrigo Duterte, kasama si incoming House Speaker Pantaleon Alvarez.
Sinabi ni Belmonte na alam mismo ni Pangulong Aquino na maraming miyembro ng LP ang gustong lumipat o makipag-alyansa sa PDP-Laban.
Nilinaw naman ni Belmonte na sakaling magkaroon ng koalisyon ang LP sa Kamara sa PDP-Laban, sa Kamara lamang aniya ito at hindi kasama ang senado.
Paglilinaw pa ni Belmonte, wala siyang rekomendasyon kay Duterte para mabigyan ng puwesto si vice president-elect Leni Robredo sa susunod na administrasyon.